Makatulong sa “disaster preparedness” ang hangarin ng gaganaping Legends Cup kung saan ay mapapanood ng basketball fans ang kanilang mga idolo sa hardcourt sa Marso 2015.
Sinabi ni Dick Balajadia, presidente ng nag-organisang SportsLegends Managers Inc. sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate noong Martes na target ng torneo na makapagbigay ng kasiyahan sa komunidad at mabigyan ng aral ang mga mamamayan sa paghahanda sa kalamidad.
“We created this league not just for our basketball stars but to have information dissemination on disaster response preparedness and to continue inspiring the youth, as well as give back to the community by participating in our advocacy centered on nation-building,” sinabi ni Balajadia.
Dumalo din sa forum si dating Ginebra player Chito Loyzaga na kinuha bilang league commissioner at executive director para manguna sa advocacy program sa disaster management kasama sina General Boy Santiago at Mina Marasigan na mula sa Civil Defense.
Inaasahang pangungunahan ni Loyzaga ang direksiyon ng bagong silang na liga bilang basketball legend at ekspiriyensa nito sa sports management kung saan ay tumayo siya bilang dating commissioner ng UAAP at Philippine Sports Commission (PSC).