Ang lahat ng sangkot sa P900 Million Malampaya Fund scam ay pasok sa imbestigasyong ginagawa ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Senater Teofisto Guingona III, kasama rin sa kanilang iimbitahan si Benhur Luy, ang whistleblower ng pork barrel scam.

Sinabi ni Guingona na ang susunod nilang ipatatawag ay sina Janet Lim Napoles, Ruby Tuason, dating Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Nasser Pangandaman at Undersecretary Narciso Nietos.

“We have not decided yet as to when the next investigation but definitely there will be more future hearings,” pahayag ni Guingona.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Si Napoles ay nakakulong ngayon kaugnay sa pork barrel scam , habang si Tuason ay tumestigo para sa pamahalaan.

Si Nietos ang humiling ng proyekto habang si Pangandaman ang hepe ng DAR noon.

Naunang sinabi ng oposisyon na kaya ayaw ipatawag ni Guingona si Napoles ay dahil sa pangambang ilalaglag nito ang mga kaalyado ng administrasyon.

Nitong nakaraang pagdinig, sinabi ni Commission on Audit (COA) chief Grace Pulido-Tan na nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P900 million batay sa kahilingan ng DAR bilang ayuda sa mga biktima ng bagyong ‘Ondoy’ at ‘Peping’ noong 2009.

Subalit hindi ito direktang ibinigay ng DAR sa 97 local government units (LGUs) sa Regions 2, 3, at Cordillera Autonomous Region (CAR) at sa halip ay ipinamahagi ito sa may 12 non-government organization ni Napoles.

Sinabi pa ni Tan na itinanggi na ng 67 LGU na nakatanggap sila ng P10 milyon bawat isa, apat naman ang nagkumpirma na tumanggap habang ang iba ay hindi sumagot sa COA.