Aminin na natin, gusto nating nakikita ng iba ang ating imahe sa social media. Mapa-Facebook man o sa Instagram, nahihilig tayong mag-post ng ating mga larawang kuha natin mismo. Marami sa atin ang nahuhumaling na mag-selfie palagi. Ang iba pa nga bumibili ng selfie stick o monopod at doon ikinakabit ang cellphone upang makuhaan pati ang background ng nagse-selfie. Klik ka rito, klik uli roon, klik sa umaga, tanghali, gabi at hanggang madaling araw.
Haaay... Siguro, manipis lang ang pader sa pagitan ng kumpiyansa sa sarili at pagiging obsessed sa kung paano ka nakikita ng iba. Hindi masama ang pagdodokumento ng masasayang sandali ng iyong buhay ngunit kapag huminto ka na sa kahihingi ng opinyon o pagsang-ayon ng iyong mga kaibigan at mga kamag-anak hinggil sa iyong selfie, narito ang ilang bagay na maaaring mangyari sa iyo, ayon sa mga eksperto:
- Magiging mas malusog ang iyong hitsura. – Tiyak na kapag nakikita mo ang iyong magandang larawan, nagbibigay sa iyo iyong ng hindi maipaliwanag na kaligayahan. Pero sa totoo lang, pansamantala lamang ang kaligayahang iyon. Maging ano man ang anyo ng iyong pangangatawan, ang tunay na positibong imahe ay nagmumula sa pagpapahalaga ng iyong sarili kaysa sa iyong hitsura – isang bagay na hindi nakikita sa larawan.
- Mas makikinig kang mabuti. – Ang sobrang paggamit ng social media ay maiuugnay sa pagnanais na mangibabaw sa iba, sapagkat mas nakikita nila ang kanilang mga sarili kaysa iba. Isang paraan naipakikita ang pagiging makasarili ay sa pagpili ng nais pakinggan. Nangangahulugan ito na nakikinig lamang ang isang tao sa iba upang batikusin ang kanilang sinasabi. Malinaw na hindi ito mainam na gawi upang makipag-ugnayan sa iba.
- Mas bubuti ang kalusugan ng iyong isip. – Sapagkat iniuugnay kamakailan ang sobrang paggamit ng social media bilang isang dahilan ng ilang mental condition, mahalagang balansehin natin ang ating interes sa online media sa realidad. Ayon sa ilang pag-aaral, ang sobrang pagkahumaling sa kase-selfie sa social media ay maaaring magdulot ng pagkakaroon ng problema sa depresyon, abnormal na pagmamahal sa sarili, paniniwala na depektibo ang isang bahagi ng katawan kung kaya dapat ayusin, at iba pa.