Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa isang batch ng Purified Chick Embryo Cell Rabies Vaccine (inactivated) 2.5 IU/mL na ayon sa FDA ay ilegal na inangkat sa bansa.
Batay sa Advisory 2014-081, natuklasan ng FDA na ang Rabipur anti-rabies vaccine na may batch number 2412 ay ipinamamahagi sa merkado nang walang pag-apruba ng kanilang ahensiya.
Iniulat na rin anila ng marketing authorization holder ng produkto na Novartis Healthcare Philippines Inc. na ang naturang batch ay ilegal na inangkat mula sa India.
“Thus, proper handling of the product during shipment is not assured, compromising its potency that can result to treatment failure and even death,” pahayag ng FDA.
Ang Purified Chick Embryo Cell Rabies Vaccine (inactivated) 2.5 IU/mL Lyophilized Powder for Injection ay ginawa ng Chiron Behring Vaccines Pvt. Ltd.-India.
Ginagamit ang Rabipur bilang active vaccine laban sa rabies ngunit sinasabing ang batch 2412 ay mayroong safety risks at posibleng may hindi magandang epekto sa kalusugan.
Pinapayuhan ng FDA ang publiko na bumili lamang ng mga gamot sa FDA-licensed drug outlets at pharmaceuticals at humingi ng resibo para sa produkto.
Binalaan naman nito ang drug outlets at pharmacies na huwag magbenta ng mga peke o hindi rehistradong gamot o produkto mula sa mga hindi lisensiyadong supplier.