Makamit ang ikalimang dikit na panalo na mag-aakyat sa kanila sa liderato, kasalo Hapee, ang target ng Cagayan Valley sa pagsagupa nila sa baguhang MP Hotel sa nakatakdang triple header ngayin sa PBA D-League Aspirants Cup.
Sa ganap na alas-12:00 ng tanghali magtutuos ang MP Hotel Warriors at ang Rising Suns, susundan naman ito ng tapatan ng AMA University at Jumbo Plastic sa ganap na alas-2:00 ng hapon bago ang tampok na laban sa pagitan ng Tanduay Light at Wang’s Basketball.
Nanggaling ang Rising Suns sa halos dalawang linggong break matapos ang kanilang huling panalo sa isang double overtime victory kontra sa Café France noong Nobyembre 20 kung saan ay namuno ang kanilang top pick at Fil-Tongan player na si Moala Tautuaa para sa kanyang debut game. Nagtala ito ng 26 puntos, 7 rebounds at 3 assists.
Muli ay sasandigan ni coach Alvin Pua ang 6-foot-7 na si Tautuaa upang isakatuparan ang kanilang ikalimang dikit na panalo kasama ang iba pang Fil-foreign players ng koponan na sina Ali Austria, Randy Dilay at Abel Galliguez at local standouts na sina Michel Mabulac, Jason Melano at Don Trollano.
Sa panig naman ng kanilang katunggali, tangka ng MP Warriors na makabalik sa winning track matapos ang malaking nalasap na pagkatalo sa kamay ng Jumbo Plstic Lionelum noong nakaraang Nobyembre 24, 57-94.
Sa ikalawang laban, sisikapin naman ng AMA University Titans na hatakin ang nasimulang back-to-back wins sa ikatlong sunod na tagumpay sa kanilang pagtatapat ng Giants na hangad namang bumalikwas mula sa huling kabiguan sa Racal Motors noong nakaraang Martes, 66-77.
Target ng Titans na kumalas sa kasalukuyang pagkakatabla nila ng Cebuana Lhuillier sa ikaapat na posisyon na taglay ang barahang 3-3 (panalo-talo) habang magpapakatatag naman ang Jumbo Plastic sa third spot kung saan ay hawak nila ang barahang 4-2.
Samantala, asam naman ng Tanduay Light na maputol na ang kinasadlakang apat na sunod na kabiguan matapos maipanalo ang kanilang unang laban habang aasintahin ng Wang’s na tumatag sa kinalalagyang ikalimang posisyon sa pagpuntirya ng ikatlong panalo.