Nagwakas na ang maliligayang araw ng mga truck na bumibiyahe sa Roxas Boulevard.

Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga trucker na bumalik sa dati nitong ruta sa pagpasok at paglabas sa mga daungan sa Maynila kasunod ng muling pagpapatupad ng ahensiya sa truck ban sa 7.6-kilometrong Roxas Boulevard, na dumadaan sa Ermita sa Maynila hanggang sa Parañaque City.

“Ipatutupad uli ang truck regulation na ipinatupad noong wala pang truck ban. Puwede pa ring bumiyahe ang mga truck sa dating ruta, pero minus na ang Roxas Boulevard,” sinabi ni MMDA Chairman Francis Francis Tolentino sa mga mamamahayag.

Ang direktiba ay magiging epektibo simula ngayong Miyerkules, Disyembre 3, at tatagal ng anim na buwan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang mga truck na lalabag ay pagmumultahin ng P2,000. Ang driver’s license ng lalabag na driver ay irerekomendang suspendihin ng isang taon.

Batay sa datos ng MMDA, may 79,850 cargo truck at 13,615 trailer ang araw-araw na bumibiyahe sa Metro Manila.

Una nang ipinagbawal ni Tolentino ang mga truck sa Roxas Boulevard pero pansamantalang nagtalaga ng “express trade lane” upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko na dulot ng problema sa mga pantalan sa Maynila simula noong Hunyo ng taong ito.