Tinuligsa ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na masyadong “foul” ang umano’y walang pakiramdam na paggamit ni Makati Rep. Mar-Len Abigail Binay sa mga biktima ng panggagahasa sa buong bansa dahil lamang sa motibong politikal.

Ani Roxas, ang OPLAN Lambat-Sibat ay unang hakbang lamang sa pagbaka sa kriminalidad at hindi pangkalahatang solusyon sa mga krimen. Subalit ipinangako niya na magpapatupad ng mga istratehiya laban sa mararahas na krimen na palalaganapin niya sa ibang rehiyon.

Sa mga panayam ng media, nilinaw ni Roxas na bumaba sa halos kalahati ang antas ng krimen na tulad ng pagnanakaw at carnapping sa National Capitol Region (NCR) dahil sa limang buwan na matinding pagmonitor sa kriminalidad at iba’t ibang istratehiya sa pagtugis sa mga elementong kriminal.

Ngunit hindi niya sinabi na bumaba ang antas ng krimen sa buong bansa lalo na ang tungkol sa kasong rape.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kinasusuklaman ng lipunan ang mga kasong rape at dapat kumilos ang lahat, lalo ang gobyerno at civil society groups para mahadlangan ito,” ani Roxas. “Hindi tama na pinupulitika ni Cong. Binay ang krimen dahil sa likod ng bawat isang estadistika ay isang biktima at ang kanyang pamilya.”

Ayon sa Women and Children Protection Center (WCPC) ng Philippine National Police (PNP), patuloy na tumataas ang insidente ng rape nitong mga nakaraang taon. Noong 2013, 7,709 ang naitala na pinakamataas na antas ng rape mula sa 3,294 na babae at batang ginahasa noong 1999. Sa loob ng 15 taon, may taunang average na 3,889 rape cases kada taon.

Nilinaw ni Chief Supt. Juanita Nebran, hepe ng WCPC, na mas nagtitiwala na ngayon ang rape victims sa pulisya kaya handa silang ireport ang nangyari sa kanila na hindi katulad ng dati na nahihiya silang lumantad sa lipunan.

Aminado si Roxas na may malaking pinsalang pisikal, sosyal, emosyonal at sikolohikal sa biktima ng rape kaya nakiusap siya kay Binay na maghain ng konstruktibong panukala para malutas ang mga kaso ng panggagahasa sa bansa sa halip na gamitin sila sa politika.

“Parang walang pakiramdam ang atakeng ito pero handa akong makipagtulungan sa Kongreso na repasuhin ang mga batas tungkol sa rape, kung kinakailangan,” dagdag ni Roxas.