Ito ang huling bahagi ng ating serye. Nang manalanta ang bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, hindi ako nag-atubili na gamitin ang aking kumpanya para matulungan ang mga biktima. Ang malakas na hanging dala ng bagyo ang sumira sa mga bubong ng maraming bahay at nag-iwan ng iba pang pinsala sa mga proyekto ng Camella Homes sa Leyte. May mga manggagawa ang Camella Homes, isa sa mga kumpanya sa ilalim ng Vista Land & Lifescapes, Inc., sa Leyte, nguni’t hindi sapat upang ayusin ang lahat ng pinsalang iniwan ng bagyo. Dahil dito, kumuha ako ng 300 anluwagi at iba pang manggagawa mula sa mga proyekto ko sa Metro Manila, Cebu, Davao, Cagayan de Oro at Bacolod para ayusin ang mga napinsala sa Camella Leyte Phases 1 at 2, Camella rmoc at Camella Palo.

Ginamit ko rin ang Villar Foundation, na itinatag ng aking pamilya noong 1995 upang tumulong sa mga dukha, upang sumaklolo sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

Nagsimula ang foundation sa proyektong pang-kalikasan nguni’t sa pagdaraan ng mga taon ay naragdagan ang mga adbokasiya nito, na ngayon ay kinabibilangan ng pagtulong sa mga dukha at kinakapos, mga overseas Filipino workers at kanilang pamilya, kabataan, kababaihan, simbahan at kalikasan. Naging mahirap ang pagpapadala ng tulong sa Tacloban dahil sa pagkansela sa paglipad ng mga eroplano, kaya inatasan ko ang mga tauhan ng Camella Homes sa Cebu upang magpadala ng relief goods sa Taclocan, na siyang may pinakamalubhang pinsala. Namahagi ang Villar Foundation ng mga yero at pako sa mga bayang tinamaan ng bagyo. Ang materyales na ito ang higit na kailangan sa panahong iyon, upang matulungan ang mga mamamayan na makumpuni ang bubong ng kanilang mga bahay at makabalik sila roon at masimulan ang pagbabalik sa normal nilang buhay. Sa mga magsasaka naman, namahagi ang foundation ng patabang organiko mula sa programa nito na recycling ng basura. Sa kabuuan, tinatayang aabot sa P20 milyon ang nagasta ng Vista Land at Villar Foundation sa pagtulong sa mga biktima ng Yolanda.

Ang layunin ko sa seryeng ito ay upang makumbinsi ang malalaking negosyante na mapapabilis nila ang pagbangon ng mga biktima sa pamamagitan ng pananatili ng kanilang operasyon sa mga lugar na apektado ng kalamidad, at sa pagbubuhos ng puhunan sa mga dakong ito.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez