Ipinag-utos ni Justice Secretary Leila de Lima kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu na obligahing sumailalim sa drug testing ang lahat ng jail guard ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Inilabas ng kalihim ang direktiba ilang araw makaraang makakumpiska ang mga awtoridad ng ilang dahon ng marijuana, na pasekretong nakabalot, at iba’t ibang communications device sa loob ng nasabing piitan.
Sinabi ni De Lima sa mga mamamahayag na ang resulta ng nasabing search at seizure operation ng NBP Security Patrol noong Sabado ay nagkumpirma sa mga ulat na nagagawa ng ilang bilanggo na magpuslit ng mga communications gadget, na nakatutulong upang magpatuloy ang mga ilegal na operasyon ng ilang preso, partikular na sa ilegal na droga.
Kaugnay nito, binigyan ni De Lima ng kapangyarihan si Bucayu para balasahin ang mga opisyal ng NBP at obligahin ang mga ito na sumailalim sa drug testing.
Nagbabala pa ang kalihim na papanagutin ang sinumang opisyal o kawani ng NBP na napatunayang sangkot o kumukunsinti sa mga ilegal na aktibidad sa Bilibid, partikular ang tungkol sa ilegal na droga.
Sinabi pa ni De Lima na magtutuluy-tuloy ang katulad na mga operasyon sa NBP.