Sa luksang parangal kay Romeo ‘Butch’ del Castillo, magkatulad ang impresyon ng ating mga kapatid sa propesyon: Known for his incisive and in-depth knowledge of reportage and day-to-day business of running a publication. Hindi mapasusubalian na siya ay isang henyo sa larangan ng pamamahayag. Bilang isang kapanahon – halos sabay kaming nagsimula sa pre-martial law Manila Times publishing – nakita ang kanyang pagiging isang prolific at bilingual writer.

Hindi malilimutan ang pagiging Pangulo ni Butch ng National Press Club (NPC) noong 1992. Siya ang nagbunsod ng scholarship para sa mga anak ng pinaslang na mga mamamahayag. Bilang isang matapat na kaibigan at naniniwala sa kanyang kakayahan, ako ay nagparaya at isinakripisyo ang aking pagiging 3rd term NPC president. Pabiro subalit tumatalab ang kanyang parunggit: Kapatid, huwag kang sakim, wala na rin lang lumalaban sa iyo, huwag ka nang kumandidato. Dahilan ito upang siya ay aming ilaban at sinuportahan ang kanyang kandidatura. Napilitan akong ipagpaliban ang aking pagkandidato para sana sa aking 3rd, 4th at 5th term bilang NPC prexy. Bahagi na ng kasaysayan ang iba pang pangyayari. Bihira marahil ang nakakaalam na masyadong mainitin ang ulo ni Butch. Isa siyang butangero sa poker table. Bilang isang kalaro sa poker na madalas abutin ng magdamag kung minsan ay dalawang araw, nasaksihan ko ang kanyang pakikipagsigawan sa aming mga kalaro sa poker table – masasakit at mahahayap na mga salita na hindi halos malamon ng hayop, wika nga. Halos magpang-abot sila – at ako, kasama ang isa pang mahinahon at batikang peryodista na si Mike Genovea – ang nagsisilbing taga-awat.

Salamat at hindi naman nagkakasakitan ang aming mga kalaro na pawang mga haligi at kilalang mga mamamahayag na tulad nina Adrian Cristobal, columnist and speech writer; Orly Aquino na dating editor ng Manila Bulletin; Gerry Espina na isang mambabatas at mediaman; Florencio Campomanes na isang chess master at kolumnista rin; RR dela Cruz na isang awtor at PR man at iba pa. Silang lahat ay matagal nang tinawag ni Lord, wika nga. Iyan si Butch – isa ring total journalist. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Isang pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay.
National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3