Isang cargo vessel ang lumubog sa Mindoro habang dalawang bangka ang nagkabanggaan sa Calumpang River sa Batangas sa huling insidente ng aksidente sa dagat na iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Masuwerte namang nailigtas ang mga tripulante at pasahero sa aksidente, maliban sa isa na nasawi makaraang atakehin sa puso.

Ayon sa report ng PCG, 13 tripulante at dalawang pasahero ng M/V Q-Carrelyn ang nailigtas, ngunit kalaunan ay namatay ang 63-anyos na si Leonardo Ablog matapos atakehin ng sakit sa puso. Umalis ang MV Q-Carrelyn, na pag-aari at pinangangasiwaan ng Quinalla Shipping Lines, sa Delpan, North Harbor sa Maynila nitong weekend at patungo sa Coron, Palawan nang makaengkuwentro ang masamang lagay ng dagat.

Bago dumating sa destinasyon nito, lumubog ang barko sa Lubang Island sa Mindoro, ayon sa PCG.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang mga nailigtas mula sa barko ay sina Felix Fatalla, kapitan ng M/V Q-Carrelyn; Macianito Pentenio, chief engineer; Markin Yocte at Van Andro Forones, kapwa quartermaster; at ang mga oiler na sina Arturo Ysug, Jerry Acebedo at Allan Balaes.

Nailigtas din ang mga pasaherong sina June Ramos Ayapana at Ablog, anang PCG.

Sa Batangas, 35 pasahero ang nailigtas makaraang magkabanggaan sa Calumpang River ang mga bangkang de-motor na Bingo at Lady Heart Kim.

Ayon sa mga ulat na natanggap ng Coast Guard Station Batangas mula kay Andrew Suayan, ang mga bangka “accidentally collided with each other while crossing from the opposite ends of the river.”

Ang Bingo, na minamaniobra ni Capt. Salvador Zulueta, ay may lulang 10 pasahero habang 25 naman ang pasahero ng Lady Heart Kim, na minamaniobra ni Capt. Hartwel Claro. (Raymund F. Antonio)