Bumuwelta na si Ingco sa mga batikos sa kanya ng media dahil sa ginawa niya umanong pagkaladkad sa MMDA Traffic Constable Adriatico sakay ng kanyang kotseng Maserate habang sinasapak ito. Hindi maganda ang record naman nitong si Adriatico, wika ng abogado ni Ingco. Sa pamamagitan din ng kanyang nasabing abogado, humihingi siya ng pag-unawa sa mamamayan, hindi kay Adriatico. Hindi nga niya inaamin ang ibinibintang sa kanya. Sakay na sakay naman sa isyung ito si MMDA Chairman Tolentino.

Ayon sa kanya, maganda ang record ni Adriatico. Pinagso-sorry niya si Ingco sa pamilya ni Adriatico at hinamon niya itong magpa-lie detector test. Kailangan pa ba ito gayong bukod kay Adriatico ay may testigo siya na nakakakita sa insidente.

Hindi ko kinakatigan si Ingco. Kung ano ang dapat na panagutan niya sa batas ay dapat panagutan niya. Ang ginawa niya kasi ay tahasang paglibak sa batas na kinakatawan ni Adriatico. Ipinakita niya ang kakayahan niyang gawin ito at may katibayan siya. Sakay siya ng pinakamahal na kotse na iilan lang daw ang nagmamayari ng ganitong klase sa ating bansa. Pero sa ginagawa ni Chairman Tolentino ay parang napakalaking kaso ito na dapat dito ibunton ng taumbayan ang kanilang ngitngit. Napakaliit nito para takpan ang napakalaking problema ng mamamayan ukol sa trapik.

Kung napaige-ige ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando ang trapik noong panahon niya, hindi gumawa ng radikal na pagbabago si Tolentino mula sa inumpisahan at pinairal ni Fernando. Gumalaw lang si Tolentino sa loob ng nailatag nang remedyo ni Fernando maliban sa kung anu-anong palamuti ang ginamit niya para maiba ang kanyang mga patakaran. Puro gimmick lamang. Kaya, ang mga pangunahing kalsada sa panahong nagkasabay-sabay lumabas ang mga motorista, usad-pagong ang mga sasakyan. Kung minsan animoy napakahabang parking lot dahil sa napako nga ang trapik ito ang tunay na isyu para kay Tolentino.
National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras