Ni ELENA L. ABEN
Nagpanggap na manggagawa ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) upang madukot ang dalawang sundalo na nagbabantay sa airstrip ng isang Japanese banana plantation sa New Corella, Davao Del Norte, kahapon ng umaga.
Batay sa impormasyong inilabas ng 10th Infantry Division (10ID) ng Philippine Army, nangyari ang insidente dakong 4:00 ng umaga nang may 15 rebelde na nagpanggap na manggagawa sa Sumitomo Fruits (Sumifro) ang pumasok sa plantasyon sa Barangay San Roque sa New Corella.
Dinisarmahan ang mga rebelde ang mga security guard at dumiretso sa lokasyon ng dalawang sundalo na tinutukan nila ng baril at sapilitang isinama.
Ayon sa pahayag ng 10ID, ang mga dinukot na sundalo ay miyembro ng 60th Infantry Battalion (60IB).
Minaniobra rin umano ng mga rebelde ang Isuzu Elf truck (PKB-360) ng kumpanya at dumiretso sa direksiyon ng Bgy. Napungas sa Asuncion, Davao Del Norte.
Sinabi ni Maj Gen. Eduardo Año, 10ID commander, na ang Sumifro airstrip ay lagi nang target ng pananabotahe at pangingikil ng NPA.
Tinutugis na ng 60th IB ang mga rebelde at nagsagawa na ng mga checkpoint katuwang ang pulisya.