Mga laro ngayon: (Mall of Asia Arena)
4:15 p.m. Barako Bull vs. NLEX
7 P.M. Alaska vs. Barangay Ginebra
Mapasakamay ang kanilang ikasiyam na panalo na pormal na magbibigay sa kanila sa unang outright semifinals berth ang tatangkain ng kasalukuyang namumuno na Alaska sa pakikipagtuos nila sa crowd favorite Barangay Ginebra sa PBA Philippine Cup sa MOA Arena ngayon.
Sa ganap na alas-7:00 ng gabi maghaharap ang Aces at Kings matapos ang unang salpukan sa pagitan ng Barako Bull at NLEX sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
Nanggaling ang Aces sa back-to-back wins, ang pinakahuli laban sa Globalport sa larong idinaos sa Cagayan de Oro City, 87-84, kabaligtaran ng Kings na sumdadsad naman sa tatlong sunod na kabiguan, ang pinakahuli ay sa kamay ng Batang Pier noong nakaraang Linggo, 77-98, na nagbaba sa kanila sa barahang 5-4 (panalo-talo) kasalo ang defending champion Purefoods Star sa ikaapat na puwesto.
Una rito, maghihiwalay naman ng landas at mag-uunahang makapagposte ng ikaapat na panalo na magpapalakas sa kanilang tsansang makausad sa susunod na round ang Barako Bull at ang NLEX Road Warriors na magkasalo ngayon sa ikapitong posisyon na hawak ang barahang 3-6.
Sa pagkakataong ito, sisikapin ng Kings na solusyunan ang kanilang problema pagdating sa kanilang laro upang makahabol sa asam nilang pag-usad sa susunod na round kung saan ang walong teams, kasunod ng dalawang mangungunang koponan matapos ang eliminations, ay sasabak sa double phase quarterfinal round kung saan ang No. 3 hanggang No. 6 teams ay may bentaheng twice-to-beat laban sa No. 7 hanggang No. 10 teams.
Ang magwawagi sa phase 1 ay papasok sa knockout phase 2 kung saan ang magwawaging koponan ay hahamunin ang mga naunang semifinalists sa best-of-7 series at ang mananalo ang siyang maghaharap sa panibagong best-of-7 finals.