Binalaan ang mga kawani ng Quezon City Hall at ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) na maaari silang makasuhan ng extortion kapag humarap sila sa publiko na may “loaded holiday greetings.”
Inilabas ng Quezon City Majority Floor Leader ang babala at sinabing hindi wasto para sa mga kawani ng gobyerno ang manghingi ng mga regalo kahit pa Christmas season.
Ang nasabing panawagan ay sinegundahan ng ilan pang konsehal na regular na nagpupulong upang talakayin ang mga importanteng usapin sa Quezon City.
Una rito, pinaalalahanan ni QCPD Director Senior Superintendent Joel Pagdilao ang kanyang mga tauhan laban sa pagbati sa mga motorista, negosyante, at iba pang mga personalidad na may tono ng panghihingi ng regalo ngayong Pasko.
Maaaring tawagan ng pansin ng pulisya sa unang paglabag ngunit ang ikalawang pagkakataon ay maaaring magresulta sa suspensiyon at ang mga nasabing paglabag ay mapapasama sa files ng pulis.
Hiniling ni Councilor Victor Ferrer Jr., pinuno ng ways and means committee ng konseho, sa mga kawani ng income generating offices ng city hall na huwag gawin ang “taktika” na pag-ipit sa mga permit at iba pang importanteng dokumento ng mga aplikante para lang makakuha ng mga regalo ngayong Pasko.
Nagbabala siya sa mga tiwaling kawani ng city hall na mapatutunayang nanghihingi ng mga regalo, kahit pa patago, na mahaharap ang mga ito sa mga kasong administratibo at kriminal.
“We have to be clear about this. Under no circumstance are city hall clients compelled to handout Christmas gifts or grease money to any city hall employee just to secure their documents,” ani Ferrer.
Regular namang nakikipagpulong si Garry Domingo, pinuno ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng lungsod, sa kanyang mga nasasakupan upang balaan sila sa mga parusa sa panghihingi ng regalo sa mga kliyente.
Nagbabala siya na mahigpit na ipatutupad ng kanyang tanggapan ang batas laban sa mga tiwaling tauhan ngunit sisiguraduhing dadaan ang mga ito sa tamang proseso.
“We assure the public that extortion is not allowed in the office. But BPLO employees must be subjected to a thorough and impartial investigation before any verdict is imposed on them,” ani Domingo.