Nanawagan si Pangulong Benigno S. Aquino III na panatilihing buhay ang pamana ng rebolusyonaryong bayani na si Gat Andres Bonifacio sa pamamagitan ng paglaban sa korupsiyon upang umusad ang bansa.
Sinabi ng Pangulo na dapat itaguyod ng sambayanan ang kabayanihan ni Bonifacio, ang lider ng rebolusyonaryong grupo na Katipunan, sa gitna ng matitinding hamon na kinakaharap ng bansa sa pamamagitan ng diwa ng pagkakaisa.
“Andres Bonifacio’s patriotism ignited the passion within our countrymen to fight for liberty and demand dignity, freedom, and sovereignty for the land of our ancestors. Now, 151 years after his birth, our history and identity tested by the many challenges we have overcome, we unite as one nation to remember his sacrifice and desire to see us take charge of our destiny,” pahayag ng Pangulo sa ika-151 araw ng kapanganakan ni Bonifacio kamakalawa.
Naniniwala si Aquino na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa kung patuloy na lalabanan ng mamamayan ang kasakiman at korupsiyon at itaguyod ang integridad at prinsipyo ng accountability sa bawat ahensiya ng gobyerno.
Sa mga positibong repormang naipatupad sa nakalipas na mga taon, sinabi ni Aquino na nagkaroon ng oportunidad ang mga Pinoy na isakatotohanan ang pangarap ni Bonifacio para sa mga Pilipino.
Samantala, hindi pa rin nakapagdedesisyon ang Malacañang sa isinusulong na panukala na ideklarang pambansang bayani si Bonifacio. (Genalyn D. Kabiling)