Ngayon ang Pambansang Araw ng United Arab Emirates (UAE) na gumugunita sa pagbuo ng pitong emirate (Abu Dhabi, Dubai, Sharjah, Ajman, Ras Al Khaimah, Fujairah, Umm Al Quwain) sa isang bansa noong disyembre 2, 1971.
Ang anyo ng gobyerno ng UAE ay isang constitutional monarchy na may presidential system ng gobyerno. Taglay ng UAE ang pang-anim na pinakamalaking oil reserves at isa sa pinakamauunlad na ekonomiya sa Middle East. Sa kasalukuyan, ito ang ika-36 pinakamalaking economy at market exchange rates, at isa sa pinakamayayamang bansa sa daigdig sa per capita Gross Domestic Product (GDP). Sa hanay ng mga bansa sa Asian continent, taglay nito ang isang mataas na human development index.
Ang UAE ay founding member ng Cooperation Council for the Arab States of the Gulf, at member state ng Arab League. Miyembro rin ito ng United Nations, ng Organization of the Islamic Conference, at ng World Trade Organization.
Maigting ang ugnayan ng Pilipinas at UAE. Noong Pebrero 26, 2014, bumisita sa bansa si Minister of Economy Sultan Bin Saeed Al-Mansouri at nakipagpulong siya kay Vice President Jejomar C. Binay. Layunin ng kanyang pagbisita ay ang palaguin ang bilateral trade ng UAE at ng Pilipinas. Tinitingnan ng UAE ang higit pang pamumuhunan sa Pilipinas, partikular na sa larangan ng renewable energy.
Binabati natin ang mga mamamayan at pamahalaan ng United Arab Emirates sa pangunguna nina Pangulong Sheikh Khalifa bin Zayed al-Nahyan at Prime Minister Sheikh Mohammad ibn Rashid al-Maktoum, sa okasyon ng ika-43 anibersaryo ng kanilang bansa.