Nasa P1.5 milyon halaga ng ari-arian ang naabo makaraang tupukin ng apoy ang mga bahay ng 150 pamilya sa Quezon City, kahapon ng umaga, na unang araw ng Disyembre.
Base sa report ni Quezon City Fire Marshall Senior Supt. Jesus Fernandez, dakong 4:30 ng umaga nang lamunin ng lumalagablab na apoy ang may 85 bahay sa Araneta Avenue, sa kanto ng Sgt. Rivera Street sa Barangay Masambong, Quezon City.
Sinabi ni Fernandez na nagmula ang sunog sa umano’y itinapong gasera na galing sa isang bahay sa lugar at mabilis na kumalat ang apoy sa hilera ng kabahayan.
Mabilis namang nakaresponde sa lugar ang mga bombero, at tuluyang naapula ang apoy dakong 6:30 ng umaga.
Iniulat ng arson probers ng BFP na ligtas na ang tatlong matanda na iniulat na nawawala sa kasagsagan ng sunog matapos maisalba ng mga kapitbahay at rescue team ng barangay.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa sunog.
Kaugnay nito, nanawagan si Fernandez sa mga taga-lungsod na maging maingat sa paggamit ng kuryente, LPG tank at ilaw, tulad ng kandila at gasera.