Nobyembre 30, 1964 nang itatag namin ang Kabataang Makabayan (KM) sa YMCA. Si Senator Lorenzo Tañada ay naging panauhing tagapagsalita bilang aming adviser. Sa unang halalang naganap, si Jose Ma. Sison ang nahalal na national chairman, ako naman ang first vice-chairman, si Nilo Tayag ang secretary-general. Hindi ko na babanggitin ang iba pang kasama naming nahalal sa pamunuan dahil ang iba ay nasa sensitibong posisyon ng gobyerno at baka hindi ito makaganda sa kanila.
Kahahalal ko pa lang noon na pangulo ng Lyceum Central Student Government (LYCESGO), gobyerno ng mga magaaral sa lyceum of the Philippines. Kasasabak pa lang ang aming gobyerno noon sa malaki at madugong demonstrasyon sa harap ng US Embassy at Malakanyang. Kinagabihan ito ng pagalis ni Pangulong Diosdado Macapagal patungo sa Amerika upang palawigin ang Laurel-Langley Agreement na nagbibigay ng hindi patas na relasyon sa pagitan ng Amerika at ng ating bansa sa kalakalan at paggamit at pagtamasa ng ating likas na kayamanan. Anim kaming pinaakyat sa kwarto ng Pangulo at galit na sinabihan kami na hindi naming naiintindihan ang ipinaglalaban namin. Maigsi ang aking naging sagot ko sa kanya. Magalang kong sinabi na alam po namin bilang mga mag-aaral. Ang mababang kapulungan naman ay nagtakda ng sunud-sunod na imbestigasyon na ang naging linya ay mga Komunista raw ang nasa likod ng aming demonstrasyon.
Noong Enero, 1965, pinakamalaking rally ang naganap sa harap ng Agripina Circle. Dinaluhan at sinamahan ito ng mga magaaral, propesyunal, magsasaka, manggagawa at mga dukhang taga-lungsod at kanayunan. Komunista pa rin ang nakita ng mga opisyal natin noon ang nasa likod ng demostrasyong ito dahil kasama ang KM. Sa lahat ng mga militanteng pagkilos, hindi mo maiaalis ang KM. Tatlong taon na akong abogado nang mapasama ako sa mga unang ipinadakip ni Pangulong Marcos nang ipataw niya ang batas militar. Hindi ko pinagsisisihan na naubos ko ang panahon ng aking kabataan sa pagiging KM. Katunayan nga, gusto kong may mga samahang ganito ang dumagsa ngayon dahil kung ano ang problema noon, mas grabe ngayon kahit walang Martial Law.