Nananawagan ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) sa gobyerno na pag-ibayuhin pa ang mga pagsisikap at hakbangin laban sa umiiral na kurapsiyon sa bansa. Sa maagang mensahe nito para sa 2015 na idineklarang "Year of the Poor", binigyang-diin ng CBCP na ang pagsugpo sa katiwalian at kabulukan sa loob at labas ng pamahalan ay dapat na ipagpatuloy upang mapigilan ang paglala ng kahirapan at kagutuman sa Pilipinas.
Sa opisyal na pahayag ng CBCP na nilagdaan ni CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ganito ang isinasaad: "Sa Pilipinas, nangangahulugan ito ng pagpigil sa kurapsiyon, pagpigil sa maling paggamit ng pera ng bayan." Mga mambabatas, itakwil na ninyo ang PDAF at DAP!
Tinawagan din ni Villegas ang mayayaman at mga nakaririwasang pamilya at indibidwal sa bansa na ibahagi ang kanilang yaman sa mahihirap. Ayon sa Arsobispo, ito ang tamang pamamaraan upang ang yaman ng isang tao ay malagay sa angkop at wastong kalagayan. Sinabi niyang ang kayamanan ay hindi madadala ng isang tao sa kanyang hukay kung kaya magiging makabuluhan ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga dukha na halos walang makain. Ginagawa kaya ito ng Simbahang Katoliko?
Hinamon si Acting Health Sec. Janet Garin na magbakasyon muna habang siya'y nahaharap sa imbestigasyon ng DOJ hinggil sa diumano ay pagkakasangkot niya sa P5-billion National Agri-Business Corp. fund anomaly. Sinabi ni Atty. Levi Baligod, abugado ng dating mga opisyal ng Nabcor na sina Rhodora Mendoza at Victor Cacal, na dapat gayahin ni Garin ang ginawa ni DOH Sec. Enrique Ona na nagbakasyon matapos masangkot hinggil sa diumano ay maanomalyang pagbili ng mga gamot. Kasama ni Ona sa alegasyon si dancing Asec. Eric Tayag.
Nais ni Quezon City Rep. Winston Castelo na patawan si Joseph Russel Ingco, driver ng Maserati Ghibli car na nanapak ng isang MMDA traffic enforcer noong Nob. 27, ng habambuhay na pagbabawal sa pagmamaneho. Bakit kaya di mawala-wala ang ganitong insidente ng road rage na kinasasangkutan ng mga motorista gayong may ilang insidente na rin ang naganap na hindi maganda ang naging resulta?