Sa pagdaraos ni Pope Francis ng Mass of Mercy and Compassion sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Maynila sa Enero 18, 2015, sa pagtatapos ng limang araw niyang pagbisita sa bansa, isang 1,000-member ensemble mula sa iba’t ibang simbahan at choir group sa bansa ang magsasama-sama para awitin ang hindi pa kailanman napakikinggang church hymn na espesyal na nilikha para sa misang pangungunahan ng leader ng Simbahang Katoliko.

Kabilang sa mga bubuo ng Papal Choir ang multi-awarded na Bukas Palad Music Ministry, isang contemporary musical group, na simula nang itatag noong 1986 ay nakapag-record na ng 19 na album kasama ang Jesuit Music Ministry ng Jesuit Communications Foundation.

Ayon kay Norman Agatep, isa sa tatlong nagtatag ng Bukas Palad at tumatayong managing director at chief creative officer ng Havas Worldwide Manila, hindi nila itinuturing na pagtatanghal ang pakikibahagi nila sa misa ni Pope Francis.

“We are part of the 1,000-voice choir that will contribute to the celebration of the Holy Eucharist,” sabi ni Agatep, idinagdag na ang lahat ng awitin sa buong misa ay bago na komposisyon ng co-founder ng Bukas Palad na si Fr. Manuel “Manoling” Francisco, S.J.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang lahat ng awitin sa pinakaaabangang misa ng Papa ay isinulat ni Manoling maliban sa dalawa—ang “We Are All God’s Children” (official theme song ng papal visit) ni Jamie Rivera at ang “Tell the World of His Love” (official theme song sa papal visit ni Pope John Paul II noong 1995) ni Trina Belamide.

“I had to finish writing all the songs in two months, a new mass from beginning to end, because these will be submitted for approval to the Vatican. I worked on the songs every single day, wherever I may be. It is going to be a multi-lingual mass incorporating Filipino, Ilocano and Cebuano to represent Luzon, Visayas, and Mindanao and English and Latin to represent the Universal Church,” sabi ni Manoling, isang musical genius na nagsulat ng mga awiting “Hindi Kita Malilimutan”, “Tanging Yaman” at “Sa’Yo Lamang”.

Siya rin ang magsisilbing musical director ng 1,000-voice ensemble. Conductor si Fr. Nilo Mangunsad, rector ng EDSA Shrine sa Quezon City, habang pangungunahan naman ni Ferdinand Bautista ang arrangers.

Bukod sa Bukas Palad Music Ministry, makakasama rin sa makasaysayang ensemble ang Philippine Madrigal Singers at Ateneo Chamber Singers.

Ang huling misa ni Pope Francis sa Luneta sa ganap na 3:30 ng hapon ay inaasahang dadagsain ng apat hanggang anim na milyon, ayon sa dating ambassador na si Marciano Paynor, miyembro ng executive committee para sa papal visit. - Christina I. Hermoso