Inokupahan ng Philippine Air Force ang reserbadong silya sa kampeonato ng 2nd PSC Chairman’s Cup Baseball Classic noong Linggo matapos na palasapin ng kabiguan ang Unicorn, 12-2, sa labanan ng mga walang talong koponan sa Rizal Memorial Baseball Diamond.
Napag-iwanan muna ang Air Force sa ikatlong inning matapos na makaiskor ang Unicorn ng isang run bago na lamang nakabalikwas sa ikaapat na inning sa pagtala ng matinding 11-0 run upang agad na tapusin ang labanan sa pamamagitan ng mercy rule.
Sinandigan ng Air Force ang pagkakamali ng mga kabataang Unicorn sa ikaapat na inning kung saan ay nagawa nilang makatuntong sa first base at maagaw ang second base habang nakapasok ang nasa ikatlong base tungo sa nakasisirang diskarte na apat na run.
Sinundan pa ito ng Air Force ng tatlong run sa ikalimang inning at apat muli sa ikaanin na inning upang ihulog ang Unicorn sa matira-matibay na semifinals.
Hihintayin ng Unicorn ang magwawagi sa pagitan ng Ateneo De Manila Seniors at nagtatanggol na kampeong Philab sa Sabado para sa karapatang upuan sa huling silya sa kampeonato.
Samantala, gumawa ng three-run homerun si Jonash Ponce sa ikawalong inning upang iangat ang 2-time champion na Philab tungo sa 6-2 panalo kontra sa NU Bulldogs. Tuluyan namang pinagpahinga ng UAAP champion Ateneo ang UP Maroons, 9-3, sa isa pang laro sa loser’s bracket.