Apat na sibilyan ang napatay at apat na iba pa, kabilang ang isang walong taong gulang na babae, ang nasugatan nang tambangan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang sinasakyan sa Agusan Del Sur noong Linggo ng hapon, ayon sa militar.

Ayon kay 1Lt. Jolito E. Borces, 75th Infantry Battalion (75IB) civil-military operations officer, nangyari ang insidente dakong 5:30 ng hapon sa Road 2 ng Sitio Latay, Barangay Marfil, Rosario, Agusan Del Sur.

Lulan ang mga biktima sa ambulansiya at pauwi na makaraang dumalo sa isang aktibidad nang pagbabarilin sila ng mga rebelde.

Dalawa sa mga biktima ang agad na nasawi, habang namatay naman ang dalawa pa habang isinusugod sa ospital.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kinilala ni Borces ang mga agad na namatay na sina Neljoy Cerna, 27; at Noni Mabong, 51. Idineklara namang dead on arrival sa pagamutan sina Alfredo Cerna, 51; at Vanessa Sabas, 30.

Nasugatan sina Mae Roselyn Adonis, 8; Liza Casilla, 47; Elmer Adonis, 37; at Emillio Solidor Jr., 49, barangay chairman.

Sinisi ng militar sa pag-atake ang NPA Guerilla Front 14 na kumikilos sa Agusan at Surigao del Sur.

Sinabi ni Borces na bago ang ambush, naimbitahan si Solidor sa isang selebrasyon ng pasasalamat sa Wayside Bible Baptist Church sa Sitio Latay dakong 11:00 ng umaga.

Bandang 5:00 ng hapon na nang nakaalis si Solidor sa lugar kasama ang 14 na iba pa, kabilang ang walong bata, na humiling na makisakay sa barangay ambulance na dala ng chairman.

May dalawa kilometro na ang layo sa simbahan nang tambangan ang mga biktima ng grupo ng may 20 miyembro ng NPA. (Elena L. Aben)