Maagang magsasaya sa Kapaskuhan ang 12 pambansang atleta kung saan ay nakatakdang tumanggap ang mga ito ng insentibo ngayong Biyernes sa Philippine Sports Commission (PSC) matapos na magbigay ng karangalan sa nakalipas na 4th Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.

Sinabi ni PSC chairman Richie Garcia na nakatakdang ibigay ang kabuuang P575,000 insentibo sa mga atletang kumolekta ng medalya sa Asian Beach Games sa isasagawang misa tuwing unang Biyernes ng bawat buwan sa PhilSports Arena.

Tatanggapin nina windsurfer Geylord Coveta at ju-jitsu specialists Annie Ramirez at Maybelline Masuda ang cash incentives na P100,000 sa pag-uwi nila ng gintong medalya.

Matatandaan na tumapos ang Team Philippines na may 3 gold, 2 silvers at 7 bronze medals para sa ika-15 puwesto.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Mapapasakamay naman ng dalawang nagbulsa ng pilak ang P50,000 at ang pitong bronze winners na may P25,000.

Umaasa si Garcia na ipagpapatuloy ng mga atleta ang pagsasanay tungo naman sa 2015 Southeast Asian Games na gaganapin sa Singapore.

Ang mga nagwagi ay binubuo ng ju-jitsu na sina Maybelline Masuda (Women-50 kg) at Annie Ramirez (Women -60 kg.) para sa ginto at John Baylon sa Men’s-80 kg. (bronze).

Nagwagi sa muaythai si Phillip Delarmino para sa silver (Men’s 54kg) at bronze kina Manuel delos Reyes (Men’s 51kg), Alvin Berto (Men’s 60kg) at Joel Zaspa (Men’s 75kg).

Kumubra ng ginto sa sailing/windsurfing sa RS:One Men si Gaylord Coveta habang sa Triathlon ay may tanso si Robeno Javier sa Men’s Duathlon.

Ang pilak ay napasakamay sa waterski ni Susan Madelene Larsson sa Women’s Cab. wakeskate habang may tanso si Jose Vicente Cembrano sa Men’s Cab. wakeskate at Cable Team overall.