Ni ELLAINE DOROTHY S. CAL

KASABAY sa paglipas ng panahon, tila unti-unting nabubura sa isipan ng bawat indibidwal ang kahalagahan ng Wikang Filipino. Nakalulungkot pero totoo.

Kamakailan lamang marami ang nagulat sa naging desisyon ng Commission on Higher Education (CHED) tungkol sa pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Ang kanilang dahilan? Sapat na raw ang K to12 upang lubos na mapag-aralan ito.

“Ako ay Pilipino at Filipino ang Wika ko.” “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.” “Ang sino mang marunong magmahal sa sariling wika ay siya ring marunong magmahal sa sariling bansa.” Ito ang ilan sa dati’y tumatak na kataga sa puso’t isipan ng bawat Pilipino, noon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ating panahon, marami nang mga salita ang naglipana katulad ng “selfie” “throwback” at iba pa. Maging ang mga tamang pagbaybay sa mga salita ay nakalilito na rin. Ano ba ang tama? Lunsod o lungsod? Baranggay o barangay? Kapaligiran o kaligiran?

Kung ganito na lamang ang ginagalawang bayan sa kasalukuyan, paano na lamang ang mga susunod na henerasyon? Walang pagkakaunawaan. Hindi malirip na pagbabangayan, hindi matapos na pagsisiraan, hindi mawakasang paghihirap, hindi matantong kaguluhan.

Paano masisiguro ang karunungan ng mga susunod na tagapamuno ng bansa na susundan at tutularan ng mamamayan? Sapat na nga kaya ang mga natutuhan? Hindi na kaya makadarama ng pag-aatubili?

Magwawakas na rin kaya ang mga kumakalat na paniniwala na kapag gumamit ka ng Filipino sa halip na Ingles ay nakakahiya? Hindi ba’t mas nakahihiya ang isang Pilipino na hindi marunong gumamit ng Wikang Filipino sa tamang pamamaraan?

Napatutunayan na ang Wikang Filipino ay ang natatanging sandata upang iparating ng isang Pilipino sa kanyang kapwa ang mahahalagang pangyayari. Ito rin ang nagsisilbing tulay upang magbuklod-buklod ang hiwa-hiwalay na isla sa Pilipinas.

Isa itong mahalagang usapin sa bansa. Nawa’y maibalik ang pagpapahalaga sa Wikang Filipino sa pamamagitan ng tamang paggamit at pagpapalawak ng kaalaman ng bawat Pilipino tungkol dito.