Sinuportahan ng Malacañang ang panukala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Manuel Roxas II na i-jam ang signal ng cellular phone sa New Bilibid Prison (NBP) upang matuldukan ang mga ilegal na gawain ng mga bilanggo, partikular ang pagtutulak ng droga.

Subalit iginiit ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na kailangan munang aprubahan ni Justice Secretary Leila de Lima ang panukala ni Roxas dahil ang Department of Justice (DoJ) ang nangangasiwa sa Bureau of Corrections (BuCor), na nagpapatakbo naman sa NBP.

“Mukha pong maganda ‘yung panukala. Tingnan natin kung paano tatanggapin ng Justice secretary ito,” pahayag ni Valte sa panayam ng DZRB.

Inilutang ni Roxas ang panukala matapos matuklasan na patuloy pa rin ang mga ilegal na aktibidad sa loob ng Bilibid, tulad ng pagtutulak ng droga at prostitusyon, gamit ng maiimpluwensiyang bilanggo ang cellphone sa pakikipagtransaksiyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, sinabi ni Valte na susuportahan ng Palasyo ang ano mang reporma sa justice system sa bansa, tulad ng ipinatutupad na “Justice Zone” sa Quezon City, na pinabibilis ang legal na proseso sa mga kasong inihain sa siyudad.

“The President has always held out judicial reform as one of the pillars of his platform. And, of course, we welcome any development that would strengthen the justice system and, in fact, one of the major actions of the President has always been to support judicial reforms,” pahayag ni Valte tungkol sa naturang inisyatibo ng Korte Suprema. - JC Bello Ruiz