ORION, Bataan – Nasasakripisyo ang pag-unlad ng bayang ito dahil sa mistulang sobrang pamumulitika at naaapektuhan na rin maging ang kita ng munisipalidad na dapat sana ay pinakikinabangan ng mga residente.

Sa malinaw na tit-for-tat, nagbatuhan ng sisi sina Mayor Tonypep Raymundo at Vice Mayor Reynaldo S. Waje kaugnay ng kabiguang maipasa ang Revenue Code na halos isang taon nang nakabimbin.

Una nang inakusahan ni Raymundo si Waje at ang mga kaalyado sa pulitika ng huli sa hindi pagpapatibay sa Revenue Code, isang akusasyong mariing itinanggi ng bise alkalde.

“Ipinasa na namin ang Revenue Code pero na-veto ito ni Mayor Raymundo matapos na hindi maaprubahan ang ilang insertions niya na para sa amin ay hindi para sa public interest. Hindi na naaksiyunan ang Revenue Code matapos naming ipadala sa provincial board para rebyuhin,” ani Waje.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“’Di niya iniisip na ‘yong kanyang pagkaka-veto sa Revenue Code ay bumalik sa dating ipinaiiral na maliliit na collections ng buwis; walang mangyayari sa bayan sa ginagawa niya. Siya ang dapat sisihin kung bakit ‘di umuusad ang bayan namin,” sinabi ni Waje nang kapanayamin sa kanyang opisina.

Sinabi naman ni Raymundo na pinag-iisipan niyang maghain ng reklamo sa Sangguniang Panlalawigan laban sa bise alkalde at sa mga kaalyado nito “to teach them a lesson.” - Mar T. Supnad