Ni EDD K. USMAN
“Wala kaming Plan B, Plan A lang.”
Ito ang binigyang-diin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos na ilabas ang lahat ng baraha nito sa pagsusulong ng panukalang Bangsamoro Basic Law upang matuldukan na ang kaguluhan sa Mindanao.
Sinabi ni Mohagher Iqbal, chairman ng Bangsamoro Transition Commission (BTC), wala silang ikinokonsiderang alternatibo sa BBL.
Sa paglulunsad ng 52-pahinang Primer on the Bangsamoro Basic Law sa Mandaluyong City noong Nobyembre 28, iginiit ni Iqbal na tanging ang BBL ang kanilang “Plan A.”
Maging sa nakaraang pahayag ng mga lider ng MILF ay tiniyak ng mga ito na umaasa silang magtatagumpay ang nasabing panukala at ito ang magdadala ng katahimikan sa rehiyon sa kabila ng paglalagda ng Final Peace Agreement (FPA) ng gobyerno at ng MILF noong Setyembre 2, 1996.
Binigyang-diin ng opisyal ng MILF na ang “BBL ang tanging gamot sa pagrerebelde sa Mindanao.”
Pinondohan ng European Union ang pagpapa-imprenta sa mahigit 58,000 kopya ng primer sa inilathala sa Ingles. Kinalaunan, ilalathala rin ang primer sa anim na lokal na diyalekto.
Kasalukuyang sentro ng talakayan ang BBL sa ilang public hearing at mga forum na pinangungunahan ng mga eksperto, civil society organization at ibang grupo na pumapabor at kumokontra sa panukala.