PANGASINAN – Inaasahang uuwi sa Pangasinan ngayong linggo ang labi ng dalawang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa sunog sa Macau.

Sinabi ni Jon Jon Soliven, empleyado ni 6th District Board Member Ranjit Shahani, sa isang panayam sa telepono na darating bukas at sa Huwebes ang labi ng dalawang OFW kasunod ng kumpirmasyon ng Philippine Embassy sa Macau.

“Mabilis naman na naayos ang pagpapauwi sa 2 OFW, kahit isa pa sa kanila ay undocumented. Talagang inasikaso sila ng embahada ng Pilipinas sa Macau, at tiniyak ito ni Antonio M. Allam, na Philippine consulate general (Macau),” ani Soliven.

Matatandaang apat na katao, dalawa sa kanila ay Pinoy, ang namatay sa sunog sa isang boarding house sa Macau noong ikalawang linggo ng Nobyembre.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang mga nasawing Pinoy ay sina Paul Angelo Lita, 21, undocumented, ng Barangay Poblacion, Villasis; at Marites Natinos, ng Bgy. Cabalitian, Umingan, Pangasinan.

Sinabi ni Soliven na si Lita ay nagtrabahong waiter sa Macau sa nakalipas na siyam na buwan at nakatakdang umuwi sa kanyang pamilya ngayong buwan para ipagdiwang ang Pasko sa bansa.

Tiniyak ni Soliven na walang foul play sa sunog. - Liezle Basa Iñigo