Mga laro ngayon (Fil-Oil Flying V Arena):

Perpetual Help vs. San Beda (jrs/m/w)

JRU vs. Arellano (w/m)

Maitala ang kanilang ikapitong sunod na panalo para muling makapagsolo sa pamumuno ng women’s division ang tatangkain ng pre-season favorite at event host Arellano University sa kanilang pagtutuos ng papaangat namang season host Jose Rizal University sa tampok na women’s match ngayong araw na ito sa NCAA Season 90 volleyball tournament sa Fil-Oil Flying V Arena sa San Juan City.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Magkasalo sa ngayon ang Lady Chiefs at ang San Sebastian College sa liderato ng women’s taglay ang parehas na malinis na kartadang 6-0, panalo-talo. Bagamat pinapaboran na manaig kontra JRU Lady Bombers, hindi pa rin nakasisiguro ang una dahil ang dating “whipping girls” ng liga ay hindi na puwedeng basta-basta ipagwalang-bahala dahil kung mabibigyan ng tsansa ay kaya nilang makasilat ng mas malalakas na koponan.

Sa katunayan, naitala na ng Lady Bombers ang kanilang pinakamagandang rekord sa liga magmula nang lumahok sila sa volleyball tournament na 3 panalo sa anim na laro na nag-angat sa kanila sa solong ika-apat na puwesto kasunod ng defending champion Perpetual Help na may kartadang 4-1 at St. Benilde na may malinis na barahang 4-0.

Mauuna rito, patatagin naman ng Lady Altas ang kanilang pagkakaluklok sa ikatlong puwesto sa paghahangad ng panlimang panalo sa anim na laro sa pagsagupa nila sa hanggang ngayo’y winless pa ring San Beda.

Ngunit bago ang nasabing salpukan, magtutuos muna ang kani-kanilang juniors at men’s squads sa unang dalwang laro na magsisimula ng alas-8 ng umaga.

Nakatakda namang magsagupa sa huling laban ang men’s team ng JRU at Arellano na may taglay na magkabaligtarang kartada na 1-4 at 4-1, panalo-talo ayon sa pagkakasunod.

Hangad ng Heavy Bombers na masundan ang kauna-unahang panalong naiposte kontra San Beda sa nakaraan nilang laban habang target naman ng Chiefs na patatagin ang kapit sa ikalawang posisyon ng men’s team standings.