Halos kalahati ng dami ng nakokolektang basura sa Makati City ang nabawas sa siyam na buwan ng 2014 kumpara noong 2013 dahil sa mga recycling project at epektibong segregation o paghihiwahiwalay ng mga basura sa bahay at establisimiyento sa siyudad.
Ayon kay Danilo Villas, pinuno ng Makati City Department of Environmental Services (DES), simula Enero hanggang Setyembre 2014 ay naibsan ng 1,946.69 cubic meter o 4.68 milyong kilo ng basura mula sa landfill o katumbas ng 40 porsiyento ang nabawas sa kinokolektang basura sa lungsod.
Mahigpit din ang pagpapatupad sa City Ordinance No. 2003-095 na nagpapataw ng P1,000 multa sa mga lalabag o pagkabilanggo ng lima hanggang 30 araw, habang ang mga pasaway na establisimiyento ay pinagmumulta ng P5,000 o pagkakulong ng may-ari nito o pagkansela ng business permit o lisensiya.
Nakatulong din ang tagumpay ng mga proyekto, gaya ng Baratilyo ng Basura sa Barangay, Weekend Waste Market at 3B sa Pasko Recyclables Exhibit and Bazaar.
Sa pamamagitan ng Baratilyo noong Enero hanggang Setyembre, napakinabangan ang recycling ng 114,155 kilo ng basura at kumita pa ito ng P771,000.
Ipinatutupad pa rin ang plastic ban sa Makati na aabot sa 677 establisimiyento ang nabuking na lumabag sa naturang batas sa pagiinspeksyon ng task force sa 11,316 na establisimiyento sa lungsod.
Samantala, tinukoy ng pamahalaang lungsod ang mga nangungunang barangay sa pagtalima sa mga proyekto sa siyudad nitong Setyembre 2014, kabilang ang Carmona, Pinagkaisahan, Rizal, Pembo, Cembo, Comembo, Poblacion, Kasilawan at West Rembo.