Ni DINDO M. BALARES, Entertainment Editor
IPINAGDIRIWANG ng BALITA ang ika-43 anibersaryo ngayong araw.
Tulad ng maraming dakilang institusyon at mga dakilang bagay, ang BALITA ay nagsimula rin sa maliit.
Bago pa man isinilang, matagal na itong inilalathala bagamat nakapaloob lamang sa LIWAYWAY magazine, bilang suplementong "Balita ng Maynila".
Hinugot ito sa tadyang ng LIWAYWAY tatlong buwan pagkaraang ideklara ang Martial Law at naging BALITA.
Tulad ng institusyong pinanggalingan, taglay din ng BALITA ang mga katangiang taglay ngLIWAYWAY. Kaya mabilis din itong tinanggap sa mga tahanan at puso ng mga mamamayang Pilipino.
Maraming mga mambabasa ang nagmamahal at patuloy na tumatangkilik sa BALITA dahil kinakatawan nito ang mabubuting kaugalian ng Lahing Kayumanggi.
Unang-una, ginagamit nito ang ating sariling wika. At ang paggamit nito sa ating wika ay maingat, wasto, at magalang o hindi pabalang o pabalbal. Tulad ng paggamit ng isang maginoo at kagalang-galang na Pilipino.
Pangalawa, tinitiyak ng mga patnugot o editor ng BALITA na araw-araw ay lalabas ang pahayagang ito bilang uri ng diyaryo na hindi mo ikakahiyang dalhin kahit saan. Kumpara sa ibang pahayagan na may kaparehong sukat o katawagan (tabloid), maaaring iuwi ng sinuman ang BALITA sa pamilya at hindi ka mangangamba na mabasa ito maging ng mga bata.
Maraming traditional media ang matagal nang naghahanda sa Information Revolution na ngayon ay patuloy nang nananalasa sa lahat ng dako ng mundo.
Bagamat bago pa man dumating ang bagong rebolusyon (nauna na ang Agricultural Revolution at ang Industrial Revolution), marami na ring paham o futurists ang nagsabi na mapapalitan ng radyo, at kalaunan ng telebisyon, ang pahayagan.
Katibayan ang kopya ng BALITA na inyong hawak sa ngayon, hindi pinatay ng radyo at telebisyon ang diyaryo. Dahil sa halip na maging kakumpetensiya, naging magkatuwang pa sa pagsisilbi sa publiko ang diyaryo, radyo at telebisyon.
Sa mauunlad na bansa na marami na ang nagmamay-ari ng computer at nakakabit sa Internet, matagal nang trend ang pagsasara ng maraming palimbagan.
Simula nang maimbento ng electronic data processor o computer, patuloy na nagbabago ang paghahatid ng mga impormasyon sa publiko. Sa pamamagitan ng social media, hawak na ng lahat ang kapangyarihan na dati hawak lamang ng iilan.
Halimbawa, hindi na journalists o mga peryodista lamang ang nakakapaghatid ng impormasyon sa pamamagitan ng Internet.
Pero sa kabila ng mga pagbabagong ito ay nananatiling buhay na buhay at binabasa angBALITA. Dahil sa matalino at responsableng pagtimon ng management at ng mga editor nito.
Hindi matatalo ng anumang makabagong medium ang likas na talino nating mga Pinoy. Katunayan, bago pa man nagkaroon ng forum o thread sa iba't ibang social media flatform ay matagal nang may Reader's Corner sa BALITA -- na buong layang nagkakaloob ng espasyo sa mga mambabasa para magkapalitan ng mga kuro-kuro't opinyon tungkol sa mga nangyayari sa ating lipunan.
Higit sa lahat, nananatili pa ring kislap sa dilim at oasis sa gitna ng disyerto ang BALITApara sa ating bansa na laging uhaw sa mga inspirasyon.
Kung sa tao, ang BALITA na hinugot sa tadyang ng LIWAYWAY ay nasa kasibulan ngayon sa ika-43 anibersaryo. Hindi kami napapagod. Marami pa rin kaming inihahanda para sa mga minamahal naming mambabasa. Patuloy tayong magsasama. Patuloy nating aabutin ang dakilang pangarap ng Lahing Kayumanggi: ang maunlad at mayamang Pilipinas!