Bibigyan ng kasiyahan ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t-Saya, PLAY N’ LEARN program ang mga senior citizen sa bansa sa pagkakaloob ng espesyal na araw sa kanila sa gaganaping mga aktibidad sa Bacolod City, Iloilo City, Davao City at Cebu City.
Sinabi ni PSC Executive Director at PLAY N’ LEARN program director Atty. Guillermo Iroy Jr. na inaprubahan ni PSC Chairman Richie Garcia ang kahilingan upang itaguyod at bigyan ng pansin ang mga senior citizen na nagnanais na matuto ng iba’t ibang ehersisyo at pagkakaabalahan.
“We will have a special Laro’t-Saya Day for all the senior citizens every month sa ating LGU’s na nagsasagawa ng program,” sinabi ni Iroy.
“We will start with three cities and then we will encourage all the other venues. We are still planning some more activities for them na hindi masyadong strainous,” giit pa ni Iroy.
Samantala, kabuuang 12 sports naman ang isasagawa sa pinakabagong miyembro ng family-oriented at community-based physical fitness program na San Carlos City sa probinsiya ng Negros Occidental.
Napag-alaman kay PSC Research and Development chief at PSC Laro’t-Saya project manager Dr. Lauro Domingo Jr. na sumang-ayon na si San Carlos City Mayor Gerardo P. Valmayor Jr. para maisakatuparan agad ang programa matapos na tuldukan ang kasunduan.
“Our PSC team is in Negros right now to discuss and finalized the program with the officials of San Carlos. Actually, it is almost done at inaalam na lang namin kung ilang sports ang gustong isagawa ng San Carlos,” pahayag ni Domingo Jr.
Ilulunsad sa Disyembre ang mga aktibidad ng PSC Laro’t-Saya Senior Citizen sa Negros Occidental, Bacolod, Cebu, Davao at Iloilo City.
“It is part of our program for our Senior Citizen to give physical fitness and exercise program for their wellness at saka mabigyan sila ng activity. Plano namin itong gawin once a month na exclusive lamang sa kanila ang ibibigay na mga galaw dahil hindi sila puwede sa masyadong strainous na routine,” sambit pa ni Domingo.
Inilunsad din kahapon ang PSC Laro’t-Saya sa Baguio City habang sisimulan din ang aktibidad sa Vigan City, Ilocos Sur sa Disyembre 13 at pinakahuli sa Tagum, Davao Del Norte sa Disyembre 21.
Kabuuang 318 katao naman ang nagpartisipa sa Aguinaldo Freedom Park sa Kawit, Cavite kung saan isinagawa ang Zumba (243), badminton (20), taekwondo (230) at volleyball (32).