Nagkaroon ng mahalagang papel sa pagkubra ng titulo sa kanilang mga koponan sa dalawang liga, nakatakdang tumanggap ng parangal sina Anthony Semerad at Alfred Aroga sa darating na UAAP-NCAA Press Corps/SMART 2014 Collegiate Basketball Awards sa Disyembre 4 sa Saisaki-Kamayan Edsa.

Si Semerad na mula sa San Beda College (SBC) sa NCAA at si Aroga na miyembro naman ng UAAP champion na National University (NU) ay nahirang bilang Pivotal Players, ang parangal na ibinibigay sa mga manlalaro na nakatulong ng malaki sa kanilang koponan sa paghablot ng kampeonato sa nakalipas na collegiate basketball season.

Nagpamalas nang ‘di malilimutang laro si Semerad para sa Red Lions, lalo na sa finals kung saan nagtala siya ng 30 puntos para giyahan ang San Beda sa target na ikalimang sunod na korona bago siya pumasok sa pro ranks sa koponan ng Globalport sa PBA.

Nagpakita naman ng kanyang dominasyon sa paint si Aroga sa nakaraang UAAP titular showdown nila ng Far Eastern University (FEU) kung saan ay nagtala siya ng impresibong laro, kabilang na ang 24 puntos at 18 rebounds performance sa Game Three para tulungan ang NU na makamit ang pinakamimithing panalo makaraan ang 60 taon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Samantala, gaya ng dalawa ay bibigyan din ng parangal sina Glenn Khobuntin ng NU, Almond Vosotros ng De La Salle, at Kyle Pascual ng San Beda bilang mga Super Seniors sa nasabing taunang awards rites na suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI and Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer), at Mighty Mom dishwashing liquid.

Ang annual collegiate awards na suportado rin ng San Miguel Corporation, UAAP Season 77 host University of the East (UE), NCAA Season 90 host Jose Rizal University (JRU), Gatorade at Philippine Sportswriters Association (PSA), ay nagbibigay ng kaukulang pagkilala sa mga outstanding performer ng dalawang nangungunang varsity leagues sa bansa.