Ni AARON RECUENCO

Nasa Pilipinas ang mga Japanese expert upang tumulong sa pagpapabuti ng railway system sa bansa sa harap ng dumadaming reklamo ng mga pasahero, mula sa mahahabang pila sa terminal hanggang sa mga aksidente.

Ayon kay Noriaki Niwa, chief representative ng Japan International Cooperation Agency (JICA), nakipagkita na ang mga eksperto mula sa Ministry of Land Infrastructure, Transport and Tourism ng Japan sa mga Pinoy counterpart nito upang tukuyin at talakayin ang mga paraan para mapabuti ang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR).

“This mission is part of the JICA’s ongoing cooperation to help improve the Philippine’s public transport system. The experiences of Japan in railway operations will be useful to the Philippines,” ani Niwa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kilala ang Japan sa pagkakaroon ng pinakamahusay na railway system sa mundo, habang tuluy-tuloy naman ang pagbatikos sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa palpak na operasyon ng mass transport system sa bansa.

Ilang insidente na ng pagkamatay at pagkasugat ang naitala sa mga aksidente sa PNR habang nasangkot naman sa iba’t ibang problemang teknikal ang MRT.

Sa kasalukuyan, ayon kay Niwa, ay ang Japan ang nagpopondo sa pagpapabuti ng kapasidad ng LRT Lines 1 at 2.

Bahagi ng diskusyon, aniya, ang pagsasagawa ng feasibility study para sa North-South Commuter Project.