Kasama ang mga direktor ng Philippine National Police (PNP), ipinakilala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas ang Oplan Lambat-Sibat na binubuo ng mga operasyon ng pulis na naglalayong pababain ang bilang ng krimen sa buong bansa na gamit ang datos at estadistika.
"Kung hindi mo kayang sukatin, hindi mo ito kayang pangasiwaan," sinabi ni Roxas tungkol sa kahalagahan ng programa, sadya at patuloy na pakikipaglaban sa mga kriminal.
Mula noong Hunyo, sumusunod si Roxas sa utos ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na solusyunan ang lumalalang problema sa krimen sa Metro Manila. Sa mga nagdaang linggo ng pakikilahok ng kalihim, natukoy ni Roxas ang mga puno't dulo ng hindi epektibong pagkilos ng kapulisan.
"Hindi na puwede ang patsamba-tsamba, kanya-kanya at ningas-kugon," diin ni Roxas na idinetalye ang 900 hanggang 1,000 insidente ng nakawan kada linggo noong Hunyo, bumaba ito nang kalahati sa 520 noong ikatlong linggo ng Nobyembre. “Ngayon, alam na natin na may kaugnayan ang pagdami ng mga operasyon kontra krimen at ang pagbaba ng bilang ng krimen."
Ang Oplan Lambat ay magsisilbing lambat upang mahuli ang mga kriminal. Kada "sinulid" ng lambat na ito ay isang operasyon kontra krimen na tulad ng Oplan Katok, Oplan Bulabog at Oplan Bakal Sita. Mayroon ding tinatawag na Pasadya, kung saan naaayon sa partikular na lugar at kapaligiran ang uri ng operasyong inilalaan ng pulisya na tulad sa mga mall, istasyon ng LRT at MRT at mga terminal.
Ang Oplan Sibat naman ay para sa mga kriminal na itinuring na target at most wanted ng PNP.
"Kung kriminal ka, hindi lang ang anti-kidnapping group (AKG) o ang highway patrol group (HPG) ang maghahanap sa iyo. Buong PNP ang hahabol sa iyo," paliwanag ni Roxas tungkol sa "whole of PNP approach" na sinimulan niya sa kagawaran.
Ayon sa kalihim, ang paggamit ng datos ang magiging susi upang masiguro ang pananagutan at integridad ng mga opisyal ng pulisya.
"Iyan ang kagandahan ng datos. Walang palakasan sa mayor o kahit kanino," giit ni Roxas sabay paliwanag na isa lamang ito sa iba pang aspeto ng mahusay na kapulisan upang maging epektibo ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga lansangan.