Nagbabalang makaapekto ang mabagal na Internet service sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa, nanawagan si Las Piñas City Rep. Mark Villar na imbestigahan ng Kongreso ang nasabing serbisyo na matagal nang inirereklamo ng maraming Pinoy.

Inihain ni Villar ang House Resolution 1658 na nag-aatas sa House Committee on Information and Communications Technology at sa iba pang kinauukulang House panel na siyasatin ang napaulat na mabagal na Internet connection sa bansa.

Inihain ng kongresista ang panukala kasunod ng pagbatikos ng iba’t ibang Internet consumers groups sa umano’y kabiguan ng gobyerno at ng Kongreso na pigilan ang pananamantala ng mga telecommunication company at Internet service provider.

Aminado si Villar, chairman ng House Committee on Trade and Industry, na hindi maaasahan at napakabagal ng Internet connection sa Pilipinas, sinabing dapat na masolusyunan ang usapin dahil “[it] slows down business transactions.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Isinusulong ng HR 1658 ang isang congressional inquiry para matukoy ang mga kinakailangang batas na pipigil sa pang-aabuso at pagsasamantala ng naglalakihang telecommunications company at Internet provider laban sa mga consumer.

Sinabi ni Villar na ang Pilipinas ay pang-155 sa 190 bansa sa larangan ng mabilis na Internet service. Ang average Internet speed sa bansa ay nasa 3.55 Mbps, malayo sa international average na 18.04 Mbps.

Pero ang kakatwa, pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamahal na Internet service. - Ben R. Rosario