Ang unang hakbang upang mapagtagumpayan ang kasalanan ay ang aminin na tayo ang gumawa niyon. Tayo ang responsable sa kasalanang ating ginawa. Ang sisihin ang iba sa kasalanang ating ginawa ay pag-iwas sa totoong isyu.
Sapagkat traffic, napaatras ang isang magarang kotse sa taxi na kasunod niya. Marami ang nakakita sa pangyayari. Bumaba ang driver ng magarang kotse at pinagmumura niya ang kaawa-awang taxi driver na nakahinto naman dahil traffic. Hindi kasi tiningnang mabuti ng driver ng magarang kotse ang kanyang aatrasan; siya talaga ang may pagkakamali ngunit sinisi niya ang taxi driver. Inukilkil niya sa taxi driver na kasalanan nito ang lahat. Inakala niya marahil na siya ang nabangga ng taxi. Dumating ang isang traffic enforcer at namagitan sa kanila. Matapos ang kaunting paliwanagan, napawalang sala ang taxi driver. Aaregluhin na raw ng insurance company ang napinsala at umalis na ang driver ng magarang kotse. Naiwang naaawa sa sarili ang taxi driver matapos sapitin ang maaanghang na salita ng nakabangga sa kanya.
Kahalintulad ito sa nangyari sa paraiso ng Eden. Matapos labagin ni Adan ang utos ng Diyos, sinabi niya na hindi dapat siya ang sisihin. Kasalanan iyon ng babaeng nilikha ng Diyos. Minsan, ganoon din tayo. Kapag nagkamali tayo, agad tayong naghahanap ng masisisi, kabilang na ang Diyos. Ayon sa Mabuting Aklat, nagkakasala tayo dahil nakikinig tayo sa makasarili nating mga hangarin.
Binabagabag ka ba ng isang kasalanan na hindi mo malimutan? Na parang ayaw kang lubayan? Siguro hinahayaan mo iyon na magtagumpay dahil isinisisi mo sa iba. Malamang din na sinisisi mo ang Diyos sa iyong pagkakasala, dahil hindi Niya pinigilan ka na gawin iyon. Hindi mo mapagtatagumpayan ang iyong kasalanan kung hindi ka handang sabihing, “Kasalanan ko ito!”
Panginoon, ako po ang responsable sa aking mga kasalanan. Humingi po ako sa Iyo ng kapatawaran, sa marami kong kamailan.