Nakasalalay na kay Department of Justice (DoJ) Secretary Leila De Lima ang kapalaran ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Franklin Bucayo kaugnay sa pagkakabulgar ng panibagong drug operation sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ipinaubaya na lamang ng Palasyo kay de Lima ang pagpapasya kung ano ang nararapat gawin kay Bucayo dahil alam naman ng DoJ chief ang mga isyung dapat maresolba sa BuCor partikular ang mga isyung maykinalaman sa ilegal na droga.
Una nang inamin ni Bucayo na talagang may problema sa NBP pero dahil sa laki ng sindikato sa loob ng bilanggunan at wala siyang magagawa hinggil dito.
Bunsod nito, sinabi ni Valte na hindi nila masasabi kung nananatili pa ang tiwala ng Pangulong Aquino kay Bucayo dahil hindi pa ito natatalakay sa Palasyo.
Matatandaan, nakatikim ng sermon mula kay De Lima ang mga opisyal at kawani ng BuCor kasabay ng anibesaryo ng kawanihan nang mabisto ang talamak pa ring bentahan ng ilegal na droga sa loob ng piitan sa kabila ng mahigpit na kampanya na sugpuin ito.