Pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad na magdeklara ng holiday sa bansa sa buong panahon ng papal visit, ayon sa isang miyembro ng Papal Visit Central Committee.

“We are seriously considering [the possibility] and in due time we will announce if there is going to be holidays on those days,” sinabi ni Marciano Paynor Jr., dating ambassador sa Israel, sa isang post sa CBCP News.

Aniya, posibleng maipatupad ito dahil ang huling papal visit sa bansa—si noon ay Pope John Paul II noong 1995—ay holiday din.

“When John Paul II came here a holiday period had also been declared … It is under very serious and close study,” ani Paynor.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Layunin ng deklarasyon ng holiday na maiwasan ang pagsisikip ng trapiko na makaaapekto sa mga trabaho at negosyo.

Kung idedeklarang holiday, mabibigyan din ng pagkakataon ang lahat ng Katoliko na makibahagi sa mga aktibidad na dadaluhan ni Pope Francis sa Enero 15-19, 2015.

Sa media briefing noong Nobyembre 14 ay sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa na ikinokonsidera ng gobyerno ang pagsuspinde sa lahat ng klase at pagpapatupad ng non-working holiday sa mga lugar na bibisitahin ng Papa para na rin sa seguridad ng huli.

Una nang inihayag ni Manila Mayor Joseph E. Estrada ang limang araw na non-working holiday sa Maynila para sa pagbisita ng Papa. - Leslie Ann G. Aquino