Panauhing pandangal ang action star na si Robin Padilla sa paggunita sa ika-151 kaarawan ng Ama ng Katipunan na si Gat. Andres Bonifacio sa Caloocan City ngayong Linggo, Nobyembre 30.
Si Padilla, na gaganap sa papel ni Bonifacio sa pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo”, ang pangunahing tampok sa pagdiriwang—na pangungunahan ni Mayor Oscar Malapitan—sa bantayog ni Bonifacio sa Monumento Circle dakong 7:00 ng umaga ngayong Linggo.
Ang nasabing pelikula ay entry sa 2014 Metro Manila Film Festival at ipalalabas sa Disyembre 25.
Dahil sa event, isasara ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ang ilang pangunahing kalsada sa Caloocan City, partikular ang bahagi ng EDSA, Rizal Avenue at Samson Road patungong Bonifacio Shrine sa Monumento.
Hatinggabi pa kahapon ay sarado na ang nasabing mga lugar hanggang 9:00 ng umaga ngayong Linggo.
Sarado rin sa Rizal Avenue, mula 10th Avenue papuntang Monumento; Samson Road mula sa Heroes Del 96 hanggang EDSA northbound; at mula B. Serrano Street patungong Monumento.
Para sa mga sasakyang patungong Maynila o westbound, mula sa MacArthur Highway papuntang Monumento ay pinapayuhang kumanan sa Caimito Street sa Abbey Road patungong 10th Avenue at kumanan sa Rizal Avenue papuntang Maynila.