Kasabay ng pagsisimula noong Biyernes ng bagong oras ng operasyon ng mga shopping mall sa EDSA ay ipinatupad na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pagbabago sa deployment ng mga traffic enforcer nito.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nagtalaga ang ahensiya ng 10 traffic enforcer at dalawang miyembro ng Task Force Phantom sa bawat shopping mall sa EDSA upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko.

Ayon kay Tolentino, inaasahan nang labis na magsisikip ang trapiko sa nabanggit na lugar ngayong Linggo, Nobyembre 30—na marami nang empleyado ang nag-bonus at mamimili para sa Pasko, at sa Disyembre 19 (Biyernes) at 23 (Martes), ang panahon ng nakagawian nang last-minute Christmas shopping ng mga Pilipino.

Sinabi ng MMDA na karaniwan nang lumalala ng 15-20 porsiyento ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila tuwing Nobyembre at Disyembre.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukod sa mga traffic constable, sinabi ni Tolentino na aayuda rin sa pagmamando ng trapiko ngayong holiday season ang mga security personnel ng mall na awtorisado ng MMDA.

Mula sa karaniwang 10:00 ng umagang pagbubukas, ang mga shopping mall ay bubuksan na simula 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi.

Ngunit sa Disyembre 24 at 31 ay 12:00 ng tanghali na magbubukas ang mga mall, na magsasara naman ng 7:00 ng gabi. Hanggang 8:00 ng gabi naman bukas ang mga mall sa Pasko (Disyembre 25) at Bagong Taon (Enero 1).