KINUKUWESTIYON pala ang pagkakapanalo ni Arjo Atayde ng Best Actor by A Single Performance sa nakaraang PMPC Star Awards for TV para sa performance niya sa “Dos Por Dos” episode ng Maalaala Mo Kaya dahil magkakasunod na tatlong taon na siya raw parati ang panalo.
Hindi kami naka-attend sa PMPC Star Awards night at nakarating lang sa amin na nanalo nga si Arjo at may mga nagtatanong na sa amin na panalo na naman daw.
Unang nanalo si Arjo sa PMPC Star Awards bilang Best New Male Actor, sinundan ng Best Supporting Actor at itong Best Actor by A Single Performance.
Bakit kinukuwestiyon, hindi ba siya deserving na manalo?
Sa pagkakaalam namin, ang bawat karakter na ginagampanan ni Arjo ay masusi niyang pinag-aaralan at hindi siya nahihiyang magtanong sa mga taong alam niyang makakatulong sa kanya.
Katulad sa “Dos Por Dos” episode na gumanap siyang bading, nalaman namin na nag-interbyu siya ng mga kakilala niyang bading na kaibigan ng nanay niyang si Sylvia Sanchez.
Kaya nang makita namin si Arjo at binanggit namin na kinukuwestiyon ang pagkakapanalo niya sa Star Awards ay napangiti lang ang binata.
“Hindi ko pinapansin ‘yung mga ganu’n, tita, kasi hindi naman makakatulong po sa akin. Saka, di ba, taun-taon naman may ganyang isyu hindi lang sa akin, maski sa lahat ng winners?
“Alam ko naman nakakaarte ako, so siguro ang panghahawakan ko na lang po ay ‘yung mga sinasabi sa akin ng direktor ko at mga kasama ko. Nagpapasalamat ako kasi napapansin po ako sa PMPC,” katwiran ni Arjo.
At parang mang-asar pa ang sitwasyon ng binata nina Papa Art Atayde at Ibyang dahil sa episode ng MMK sa Disyembre 6 ay gaganap naman siyang pari na mai-in love sa isang madre.
Ipapakita raw na may yakapan ang pari at madre. Hmmm, another potential controversy ba ito?
Tinanong namin si Arjo kung saan siya nahirapan, gumanap bilang pari o bilang bading.
“Siyempre po sa bading kasi hindi naman po ako bading, pero ako po, maski mahirap gagawin ko as long as kailangan sa role. Hindi po ako namimili,” sagot ng binata.
At para maging kapani-paniwala ang pagiging pari ni Arjo ay tinawagan niya ang kaibigang paring nagkasal sa papa at mama niya na spiritual adviser din pala ni Ms. Ai Ai de las Alas, si Father Erik Santos.
Marami raw itinanong si Arjo kay Father Erik, kung paano ang tamang pananalita kapag nagmimisa, paano kumilos at kung paano makipag-usap sa mga babae.
“Tinanong ni Arjo kung nai-in love rin ba ang mga pari sa babae o sa madre at kung paano gagawin o kontrolin ang feelings? At kung ano’ng advise ang dapat gawin kapag tumitibok na ang puso Kailangan bang umalis na siya sa pagkapari o lalabas muna siya pansamantala,” kuwento naman ng Ibyang.
As usual, masusing nag-research ang aktor lalo na’t maselan ang characters na madalas pagampanan sa kanya.
“Hindi ko ipinagtatanggol ang anak ko, Regg, pero siguro naman deserving ni Arjo ang award niya kasi nakita ko rin naman ang hirap ng anak ko kung paano niya pag-aralan ang mga karakter na ginagampanan niya,” pagtatanggol ni Ibyang sa anak.
Samantalang si Papa Art ay napapakunot-noo lang at naiiling sa isyu at ayaw makisawsaw.
“Ganyan naman sa showbiz, di ba?” tanging sabi ng tatay ni Arjo.
Finally, pagkatapos ng ilang biyahe ng pamilya ni Arjo ay makakasama na rin siya sa Amerika para magbakasyon pero nauna na sa New York ang kapatid niyang si Ria.
“Pahinga konti kasi sunud-sunod ang trabaho ko last year at this year, so konting break lang, ‘tapos balik-trabaho ulit pagdating. Tatapusin ko lang ‘tong MMK,” say ng aktor.