Habang ipinagbubunyi ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang desisyon ng Korte Suprema sa pagpapatalsik sa Pandacan oil depot sa siyudad, hindi naman ito pinaboran ng mga residente.

Ikinalungkot ito ng ilang opisyal sa anim na barangay na maaapektuhan sa paglilipat sa Pandacan oil depot, na nagsisilbing imbakan ng malalaking kumpanya ng petrolyo.

Sinabi ni Emilia C. Enriquez, chairperson ng Barangay 833, Zone 291, na malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng kanilang lugar dahil umaasa sa oil depot ang maraming residente para sa kanilang kabuhayan.

“Ang dalawang anak ko ay nagtatrabaho roon. Maraming residente ang maaapektuhan sa paglilipat nito. Bagamat hindi sila empleyado ng pasilidad, marami sa kanila ang nagsisilbi bilang guwardiya habang ang iba ay naghahanap-buhay sa mga kantina,” sabi ni Enriquez.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Ito ay kasunod ng atas ng Korte Suprema sa tatlong malalaking kumpanya ng petrolyo—ang Pilipinas Shell, Chevron at Petron—na ilipat sa labas ng Maynila ang oil depot ng mga ito.

Inatasan din ng kataas-taasang hukuman ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng relocation plan at schedule sa Manila Regional Trial Court Branch 39 sa loob ng 45 araw.

Idinahilan ng korte sa desisyon nito ang karapatan ng mga residente sa magandang kalusugan at maayos na kalikasan.

Ayon naman kay Chairman Santos Uy Jr., ng Barangay 836-297, posibleng bitbitin din ng mga oil company ang mga manggagawa sa paglipat ng oil depot.

“Nakalulungkot pero wala kaming magagawa. Nakalulungkot para sa mga truck driver at mga nagtatrabaho sa mga kantina at iba pang establisimiyento sa paligid ng oil depot,” ani Uy. - Jenny F. Manongdo