Nilinaw ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na bukas para sa lahat ng kabataan ang “Encounter with the Pope” sa University of Santo Tomas (UST) sa Enero 18 ng susunod na taon.
Ayon kay Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, may 24,000 kabataan ang pipiliin at bibigyan ng ticket para mapuno ang quadrangle o soccer field ng UST. Gayunman, aniya, maaari pa ring magtungo sa lugar ang kabataan na gustong masaksihan ang nasabing okasyon sa UST.
“’Yung encounter is open to young people. Open naman sa lahat ng kabataan ‘yun. We will not know kung ilan ang pupunta pero may tinatawag na selected area, where a number of people will be pre-selected. ‘Yung UST quadrangle and outside of that area ay open for all young people na,” paliwanag ni Garganta sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag ni Garganta, kabilang sa mga mabibigyan ng ticket ang kabataan mula sa iba’t ibang parokya ng Archdiocese of Manila, youth organization, at Catholic school.
Matapos ang pagtitipon sa UST, didiretso ang Santo Papa sa Quirino Grandstand sa Luneta para sa misa sa ganap na 3:30 ng hapon.
Nasa bansa si Pope Francis sa Enero 15-19,2015.