Sa kabila ng mga protesta ng mga guro sa kolehiyo at mga tagasulong ng pambansang wika na isama ang Filipino sa revised General Education Curriculum (GEC), inihayag ng Commission on Higher Education (CHEd) noong Huwebes na hindi nito babaguhin ang naunang probisyon na alisin ang units ng Filipino – at iba pang mga kurso – sa bagong curriculum para sa tertiary level.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni CHED Chairperson Patricia Licuanan na kahit na naniniwala ang Commission sa “fundamental role played by language in education,” ang Filipino ay hindi maaaring ituro bilang isang asignatura lamang. Upang ito ay maayos na maikintal, binigyang diin niya na ang Filipino “must be used in oral and written forms, across academic domains.”
Binabatikos ang CHED sa pagtanggal ng Filipino bilang subject sa revised GEC bilang paghahanda sa lubusang pagpapatupad sa K-to-12 Program ng Department of Education (DepEd). Noong 2103, naglabas ang CHED – sa pamamagitan ng CMO No. 20, series of 2013 o mas kilala bilang “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies” – ng revised GEC epektibo sa 2016 na nagbibigay ng “greater flexibility than the current curriculum.”
Sinabi ni Licuanan na ang pagpasa ng K-to-12 Law ay nagbibigay ng “flexibility” sa pagpapalaya sa GEC sa Science, Mathematics, English, Filipino, Literature, Humanities at Social Studies, na mga aralin na mas naayon na ituro sa Senior High School (SHS). Ang bagong curriculum ay ibinaba sa 63 units (para sa Humanities at Social Science Majors) o 51 units (para sa Science, Engineering at Math Majors) sa 36 units para sa lahat ng estudyante.
Ang 27/15 units na tinanggal, diin ni Licuanan, ay “not all in Filipino” ngunit kinabibilangan din ng mga aralin sa English, Literature, Math, Natural Sciences, Humanities at Social Sciences. Gayunman, patuloy ang paghimok ng Filipino professors at iba pang mga tagasulong sa CHED na repasuhin ang CMO No. 20 at ibalik ang Filipino bilang asignatura sa revised GEC.
Kinondena ng mga grupong gaya ng “TANGGOL WIKA” – isang alyansa ng 70 schools, colleges, universities, linguistic and cultural organizations, at concerned citizens – ang CHEd sa pagtanggi nito na pagbigyan ang kahilingan ng mamamayan na isama ang mga araling Filipino sa kolehiyo. Binatikos din nina National Artists for Literature Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario ang bagong GEC sa kabiguang i-intellectualize ang wikang Filipino. - Ina Hernando Malipot