BAGUIO CITY– Bigong nadepensahan ng Megafiber Team ang kanilang korona matapos makaungos ang Pugad Adventure ng dalawang puntos sa kanilang huling sagupaan noong Huwebes para sa Fil Championship ng 65th San Miguel Fil-Am Invitational Golf Tournament na ginanap sa Baguio Country Club.
Lamang ang Megafiber ng 4 puntos bago ang huling yugto subalit nakaiskor ng malaking puntos na 31 ang dating caddie na ngayon ay sikat na golfer na si Fred Puckett at iligtas ang kanyang koponan para sa kanilang panalo.
Sa kabuuang iskor, mula sa apat na araw na torneo, nakapagtala ang Pugad ng 437 puntos laban sa Megafiber na nagposte ng 435.
“Sinuwerte kami ngayon, hangad talaga naming manalo, kaya pinagbutihan namin ang laro, kahit nahirapan kami sa course ng BCC,” sinabi ni Eugene Martin, ang team captain ng Pugad.
“Ginawa namin ang aming kakayahan, para sa kanila talaga ang larong ito, pero babalik kami next year,” pahayag naman ni Albert Garcia, ang team captain ng Megafiber.
Sa unang araw ng championship fight, napanatili naman ng Nueva Ecija Seniors Team, na pinangungunahan ni dating Governor Tommy Joson III, ang ikatlong puwesto laban sa Manila Southwoods sa iskor na 417.
Magpapatuloy ang golf tournament para naman sa Regular sa Lunes kung saan ay dedepensahan ng Mizuno ang kanilang korona. (Rizaldy Comanda)