Iprisinta ang Pilipinas sa prestihiyosong Asian Volleyball Confederation (AVC) Men's at Women's Club Volleyball Championships ang nakatayang insentibo sa mga tatanghaling kampeon sa men's at women's division ng 2014 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix na iprinisinta ng Asics.

Ito ang inihayag ni PSL at Sports Core president Ramon "Tatz" Suzara sa ginanap na Spike On Tour na dumayo sa Alonte Sports Complex sa Binan, Laguna matapos makumpirma ang lugar na pagsasagawaan ng internasyonal na torneo kung saan ay huling ginanap sa bansa ang men's division.

"The AVC Men's Club Championships will be held in Kazakhstan while the AVC Asian Women's Club Championships is tentatively set sa Iran but due to a recent incident na may ipinakulong na isang babae doon dahil sa panonood ng volleyball ay medyo nag-iisip pa ng ibang venue," sinabi ni Suzara.

Habang sinusulat ito ay nakatakdang magsagupa para sa titulo ng men's division ang two-time champion na PLDT-Telpad at dalawang beses ding naging runner-up na Cignal HD Spikers sa ganap na alas-6:00 ng gabi.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Pag-aagawan naman ng Petron Blaze Spikers at Cignal HD Spikers ang isa sa reserbadong dalawang silya sa kampeonato sa ganap na alas-2:00 ng hapon habang ang ikalawang silya ay paglalabanan ng Generika Life Savers at RC Cola Air Force Raiders.

Ipinaliwanag ni Suzara na ang Asian Men's Club Volleyball Championships ay isasagawa sa Kazakhstan sa April 2015 gayundin ang Asian Women's Club Volleyball Championships na posibleng ganapin sa Vietnam.

Hahataw naman ang First Asian Men's U23 Volleyball Championships sa Iran sa Mayo kasabay ang First Asian Women's U23 Volleyball Championships dito sa Pilipinas.

Isa pang torneo na posibleng salihan ng binuong PH women's team na kinikilala bilang Amihan ay ang 18th Asian Sr. Women's Volleyball Championships sa China sa Hunyo habang ang PH men's team na kilala bilang Bagwis ay posibleng lumahok sa 18th Asian Sr. Men's Volleyball Championships sa Saudi Arabia sa Agosto.

Inihayag pa ni Suzara na posible ding maging tatlong kumperensiya ang Philippine Super Liga sa susunod na taon dahil sa kahilingan ng mga may-ari ng mga kasaling koponan at dahil na rin sa dami ng nagnanais makasaling koponan sa liga.

" As much as possible sana, we want to limit the team to eight para manageable. Pera ngayon, maraming company ang gustong sumali at ngayon pa lamang ay nakaabang na sa susunod na conference," pagmamalaki niSuzara.

Inamin ni Suzara na tatlong malalaking kumpanya ang agad nang nagsumite ng kanilang aplikasyon para makasali sa susunod na 2015 All-Filipino Cup na magsisimula sa Marso. Anim na iba pang popular na kumpanya ang agad na nakaantabay para mapabilang sa liga.