Walang sinumang motorista ang maaaring gumamit ng karahasan sa isang traffic enforcer, kasunod ng pananakit kamakailan ng isang nagmamaneho ng sports car sa isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quezon City, ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino. “No one is above the law, even ordinary persons deserve respect,” sabi ni Tolentino.

Sinabi ni Tolentino na pagkakalooban ng legal at medikal na tulong ang traffic constable na si Jorbe Adriatico na inatake ng sports car driver na nakilalang si Joseph Rusell Ingco, matapos na kumuha ng video ang una habang nagtatangkang ilegal na kumaliwa si Ingco sa panulukan ng Quezon Avenue at Araneta Avenue nitong Huwebes.

“We will not settle and pursue the case against him (Ingco),” sabi ni Tolentino, hinikayat ang suspek na kusa nang sumuko upang ipaliwanag ang panig nito sa insidente.

Magsasampa si Adriatico ng mga kasong direct assault, grave threat at physical injuries laban kay Ingco sa Quezon City Prosecutor’s office.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hiniling din ni Tolentino sa Land Transportation Office (LTO) na bawiin ang lisensiya ni Ingco, at kung may baril ay ipinababawi rin ng opisyal ang lisensiya ng suspek.

Iginiit ni Tolentino na walang mali sa pagkuha ni Adriatico ng video laban sa motoristang lumalabag sa batas trapiko.

“It is normal for traffic enforcers to take a video using their cell phones, similar to the use of a closed circuit television camera, for evidentiary purposes. The use of the video should not be questioned,” ani Tolentino.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa nababawi ni Adriatico ang cell phone niya na hinablot ni Ingco sa kanya.

Si Adriatico, 39, ay may asawa at isang anak.