Isa na namang low pressure area (LPA) ang namataang papalapit sa bansa at posibleng maging bagyo kapag pumasok na ito sa Philippine area of responsibility (PAR).
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huli itong namataan sa layong 770 kilometro silangan ng Davao City.
“Ang LPA ay inaasahang magdadala ng matinding ulan at thunderstorms sa Mindanao at Eastern at Central Visayas sa susunod na 24 oras,” babala ng PAGASA.
Kapag tuluyang naging bagyo ay tatawagin itong ‘Ruby’.
Kaugnay nito, lumakas pa at bumilis ang bagyong ‘Queenie’ habang kumikilos papalayo ng bansa.
Huli itong namataan sa layong 220 kilometro hilaga, hilagang-kanluran ng Puerto Princesa City sa Palawan na taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras.